LATHALAIN: Ang Pasko sa Mata ng mga Makukulay na Parol

Kinuha mula sa http://farm4.static.flickr.com/3092/3110265241_3c3321df4b.jpg?v=0
Dalawang milenyo na ang nakaraan nang naisilang ang Dakilang Manunubos na siyang nagbibigay-liwanag sa sanlibutang pinuno ng kadiliman at kasakiman ng mundong lumilipas. Namukadkad ang kaganapang ito sa mga pahina ng kasaysayan dahil sa nagluwalhati ang mga kalangitan na sinasambitan ng talang nagpapagabay noon sa tatlong hari at sa mga pastol ng Judea, na tumutunton sa Diyos na naisilang sa Bethlehem. Ang talang ito, habang lumilipas ang panahon, ay binibigyang-kulay at liwanag, hanggang sa nabuo sa kapusuran ng sibilisasyon ang mga parol na kumikinang-kinang.
                Ang parol ang siyang pagtatao o personipikasyon ng talang nagtuturo sa magandang balita ng kaligtasan na dala ng Diyos sa sanlibutan. Ang pulong na siyang isinambit ng Lumang Tipan, ay naging ganap na tao. Habang nalalasap ng sangkatauhan ang bunga ng kaligtasan sa paglipas ng panahon ay binigyang-kulay ng mundo ang talang ito, at ginawang simbolo ng Pasko na siyang pagbibigay-pugay sa pagdating ni Hesukristo sa mortal at maksalanang mundo, dala ang pangakong kanyang ikinamatay sa krus sa matulis na pako, hanggang sa pagkabuhay at pag-akyat Niya mula sa kalangitang pinupuno ng maliligaya at maririkit na himno ng maliliwanag na koro.
                Habang nagniningas ang mga parol ikinintal sa isipan ng mga tao ang tunay na diwa ng Pasko. Higit pa sa pagbibigay ng samu’t saring mga regalo ito ay isang sagisag ng pagnanasang binayaran ng dugo ng ating Panginoong Hesukristo. Sa mga nakasabit na parol ng maliligayang mga tahanan na pinupuno ng tunog ng nangangaroling at tinis ng kutsara’t tinidor sa hapagkainan nakatago ang tunay na diwa ng Pasko.

                Ang malikot na mga mata ng mga tao na nakatingin sa iba’t ibang mga kulay ng parol, ay nakatingin sa kariktan ng sanggol na isinilang noon dahil sa pagmamahal ng Diyos sa makasalanang sanlibutan.

Mga Komento